Oda Para Sa Mga Babae

source: Sayfty

Para ito sa lahat ng mga babaeng sinabihang, "Babae ka lang."

Ang mga salitang ito ay maaaring maipahayag sa iba't ibang paraan, sa iba't ibang pananalita. Maririnig ito sa mga hiyaw na "Hi ate, anong pangalan mo?" o "Uy, chicks!" na galing sa mga lalakeng tumatambay sa kanto, sa mga sutsot at tawanan kapag lumingon at yumuko ka dahil sa hiya. Makikita ito sa mga kapitbahay mo kapag papunta ka sa tindahan para bumili ng suka, naka-shorts at sando lang, at ang pagkasuklam ay maliwanag sa panlilisik ng kanilang mata at sa linya ng kanilang bibig. Mararamdaman ito na parang bala sa dibdib dahil sa mga bantang galing sa mga tatay, nanay, tito, tita, lolo, lola, ate, kuya, mga kapitbahay—kahit mga estrangharong nakakasabayan mo so langsangan. Pare-parehas ang mga sinasabi nila: Mag-ingat ka, hindi ka ligtas dito, mapanganib maging ikaw dahil babae ka.

Totoo. Babae ka nga. Tao ka rin nga eh. Pero ang pagturing saatin ng ating mga kapwa tao ay maitutulad sa pagtrato sa mga baboy-ramo sa gubat. Survival of the fittest, hindi ba? Ang lipunan ay ang mga mangangaso at ikaw ang target nila.

Baka iniisip ninyo, "Grabe naman. OA. Baboy ramo daw? Ano to, National Geographic?" Baka iniisip ninyo na isa ako dun sa mga 'feminazi' na walang nagawa kundi magalit sa mga lalake dahil nabuhay sila, o magpakita ng mga...sensitibong parte ng aking katawan at sumigaw ng "Free the nipple!" Baka iniisip niyo rin na pantay-pantay naman ang mga lalaki at babae—anong pinapaglaban mo?

Oo nga, pantay-pantay ang mga karapatan natin sa ilalim ng Konstitusyon ng Republika ng Pilipinas. Paliitin pa natin. Dito sa Ateneo, dati'y lalaki lamang ang pwede mag-aral dito. Pero heto kami. Dati nga hindi kami pwede mag-aral, eh. Tulad ng sabi ng rapper na si Drake, "Started from the bottom, now we're here." Pero kahit na pantay-pantay ang mga karapatan natin sa ilalim ng batas, hindi pantay ang mga pribiliheyo nating gawin ang mga ito. Sa kasalukuyan, laganap pa rin ang mga "hate crime" sa mga babae, ang pag-aabuso, pag-haharas, seksismo, paggahasa, pagpatay. Buksan mo ang telebisyon, magbasa ka sa Internet, maglakad-lakad ka sa mga kanto at makikita mo ito. Sasabihin ng mga iba diyan, "Nangyayari rin kaya yan sa mga lalake. Duh." At totoo nga. Hindi ko naman sinasabi na hindi ito nangyayari sa kanila.

Pero kailan ba pinatay ang isang lalaki dahil sa kanilang kalalakihan?

Nangyayari ang mga ito dahil ang kababaihan ay karaniwang naiuugnay sa kahinaan. Dahil mula nang tayo'y ipinanganak, naitanim na sa ating kaisipan na wala tayong lugar sa patriarko na ito kundi maging asawa, katulong, alipin. Dahil kahit ang kapwa nating babae ay sinasabing ang kababaihan ay umiikot lamang sa pagpapabuntis at panganganak.

Mas higit pa tayo sa mga parte ng ating katawan. Tayo ang taga-bigay buhay, pangangalaga, pagmamahal. Pero tayo rin ay mga doktor, abogado, guro, siyentipiko, mangangaso, magsasaka, pinuno, sundalo. Nakarating na tayo sa kalawakan at naging boses na tayo ng lipunan.

Ang kababaihan ay walang kinalaman sa kakayahan. Ang kababaihan ay hindi isang depekto. Ang kababaihan ay nangangailangan ng higit pa sa pagpapaubaya.

Para ito sa lahat ng mga babaeng sinabihan ng, "Babae ka lang." Huwag ka maniwala sa kanila. Babae ka. Hindi ka isang pagkukulang.

You Might Also Like

0 comments